O ako ba ang nagkulang? Dapat siguro ako na ang nakaramdam. Pero hindi, eh. Ang saya saya pa rin kasi ng dating mo, kahit sa mga text at maiikling pag-uusap lang natin sa cellphone. Siguro tingin mo pa rin sa akin batang hindi naman masyadong makakaintindi ng problema. Na hindi naman makakatulong.
Haay, naku. Hanggang ngayon gulong-gulo pa rin ang isip ko. Ikaw naman kasi, bigla ka na lang umeskapo sa mundo. Ang naaalala ko, nag-text si Kuya Val ng Wednesday nasa ICU ka na. Malayo ang Santa Rosa sa Mandaluyong pero sa maniwala ka't sa hindi nagplano talaga ako na pupuntahan kita. Nag-usap na kami nila Ate at nila Jeng. Sabay sabay kaming dadalaw ng Sunday. Saturday kasi enrollment ko sa UPOU. Wala rin naman akong mapag-iiwanan ka Rap kung weekday kami pupunta. Pero hindi na kinaya ng katawan mo. Saturday pa lang umalis ka na.
Ang laki ng pagsisisi ko noon. Di ko man lang nasabi kung gaano ka kahalaga sa akin. Sana man lang narinig mo. Kahit walang reaction, ok lang. Pumunta kami ng UPLB ni Alex na windang ang isip ko. Ang daming tanong na hindi mo nasagot. Ang daming sana na hindi ko natupad.
Hanggang ngayon naaalala pa rin kita. Lalo na pag nagigitara o nagpa-piano ako gamit ang songbook mo. Hindi ko na nga pala naisoli sa iyo. Remembrance mo na lang sa akin, ha? Nung pinalabas sa Star Movies yung Tomorrow Never Dies. Naaalala ko, tayong dalawa nanood nun di ba? Tapos narinig ko yung Till There Was You sa radio. Naiyak ako. Mahirap pala talaga kalimutan ang isang taong nakasama mo ng matagal.
Di ba nagkakilala tayo sa Music Ministry 2nd year highschool pa lang ako? Naaalala ko noon palagi mo ako pinapapunta sa office niyo paglabas ko sa school. Libre chika, libre merienda. Syempre libre silip din sa crush ko na nasa office niyo nun. Nagka-tampuhan pa nga tayo noon kasi ayaw mo muna akong mag-boyfriend di ba? Eh syempre ang tigas ng ulo ko, sumige pa rin ako. Anong napala ko? Two-timer lang pala ang mokong na yun! Kakahiya nga sa iyo pa rin ako umiyak noon. Pero yakap lang ang napala ko galing sa iyo. Walang pagsusumbat. Walang galit.
Nandito pa rin ang teddy bear na regalo mo sa akin nung debut ko. Pinangalanan kong Paris (kasi nga galing kay France, hehehe...). Pero pinamana ko na sa inaanak mo at gustong kayakap sa gabi. Sabi ko nga akin yun kasi gift mo nung debut ko. Sabi niya kanya daw kasi Ninang niya ang nagbigay. Pumayag na lang ako. At least, parang kayakap ka niya pag gabi. Kasi, alam mo, ikaw daw ang bago niyang guardian angel. Kaya ikaw na ang bahala sa inaanak mo, ha? Ikaw na magbantay pag wala ako.
Nung libing mo, nagkaroon ako ng chance na magbigay ng speech sa mass. Sabi ko, di lang ako nawalan ng kaibigan. Nawalan din ako ng nanay, kapatid, taga-alaga. Kasi totoo naman. Mas inuna mo pa ang pangangailangan ng iba kesa sa mga pangangailangan mo. Pag simbang gabi noon na kailangan kong mag-overnight sa bahay niyo, ikaw ang nag-aasikaso ultimo tubig na pang-ligo ko. Yung Milo ko nga ayaw mo lagyan ng asukal kasi masama sa diabetes ko. (Pero pag nasa cr ka na, nilalagyan ko.) Pag may outing ang choir, dapat magkatabi tayo sa pagtulog. Sabay nating binabantayan si Ate Do para hindi maaswang ni Kuya Fred. Ikaw rin ang naglalaba ng mga damit ko. Ilan pa ba kaming inalagaan mo? Si Bam, si Ate Lunette, si Jeng, si Ate Ludy. Madami ata kami. Yung iba di ko na kilala.
Di ko na-direstso ang speech ko noon. Para kasing sasabog na ang dibdib ko sa lungkot eh. Saka, ayoko makita ng maraming tao ang mukha ko pag humahagulhol na. Ang pangit kaya! Sayang... Hindi ko man lang nasabi kung paano mo pinasaya ang mga araw ko noon.
Nung ika-40th day ng pag-alis mo napanaginipan kita. Tawa ka raw ng tawa. Maraming bulaklak, makulay ang paligid. Ano ba ang gusto mong iparamdam sa akin? Siguro masaya ka na kung nasaan ka man. Sigurado naman akong sa langit eh. Sabi nga ni Nanay Naty nung bumisita sila ni Kuya Val last Valentines Day, at least daw wala kang naiwan na asawa at anak. Pero ganoon din eh, naiwan mo pa rin kami.
Bukas, mago-offer kami uli ng mass para sa iyo. Si Rap uli ang mago-offer ng envelope. Last week ganun din ang ginawa namin. Kahit dun na lang man sana makabawi ako sa mga pagkukulang ko sa iyo.
I miss you! Isang taon na, hindi ko pa rin masabing patay ka na. Para kasing nandiyan ka lang. Yun bang nasa malayo lang. Tulad ng dati. Unti-unti, matatanggap ko rin. Sana...
0 sweet comments:
Post a Comment