Mayroon ngayong mga kuro-kuro sa internet tungkol sa pagiging totoong "Iskolar ng Bayan". Upang mas maintindihan niyo ang aking isinulat, sumaglit muna kayo sa isinulat ni KR na taga-UP na siya namang tinuligsa ni Dennis na taga New Era University.
Ayoko nang makisawsaw pa sa diskusyon nila kaya ni hindi man lang ako nag-aksaya ng panahon mag-komento. Isinusulat ko na lang ito para sa mga bagong Isko at Iska upang maiwasan ang maka-apak sa damdamin ng ibang hindi naman taga-UP. Dahil naisulat nga ni Jester in Exile sa kanyang blog na ayon kay Dean Pangalangan na dating dekano ng UP College of Law, "Look to the man and not to the school."
Para sa akin, dalawa ang maaaring ibig sabihin ng salitang iskolar. Una, pwedeng maging kahulugan nito ang libreng pag-aaral o kung hindi man ay maaaring makatanggap ng diskwento sa matrikula. Pangalawa, (na sa tingin ko ay mas may saysay na kahulugan kesa sa una kong nabanggit) ay ang pagiging matalino at angat sa iba na mag-aaral.
Ako ba'y isang iskolar ng bayan kung isasaalang-alang ko ang mga kahulugang aking nabanggit? OO
Iskolar ako dahil libre akong nakapag-aral sa UP (Batch 95, Poli Sci, UPM). Iskolar ako ng aming baranggay dahil baranggay kagawad ang tatay ko. Wala akong binayarang tuition sa apat na taon na aking pag-aaral, miscellaneous fees lang na sa pagkakakatanda ko ay nagkakahalagang 500 piso lamang. Ngayon sa aking Masters ok lang na magbayad na ako ng tuition. Ano ba naman ang 250/unit. Katiting lang ang wala pa ngang 4 na libo na aking matrikula sa isang sem kumpara na lang sa matrikula sa MBA ng aking asawa sa Ateneo.
Iskolar ako dahil nakapag-aral ako sa UP. Aminin man natin at hindi, o siguro noon lang kapanahunan namin, mahirap pumasa sa UPCAT. Sa pagsumite pa lang ng application namin para sa UPCAT, pinili na ng aming principal sa AdU kung sino lang ang pwedeng mag-apply. Nakakahiya raw kasi kung hindi makapasa. Sa mahigit 30 na kumuha ng UPCAT, 4 lang kaming nakapasa. At taas noo kong ipaaalala sa lahat na pinaghirapan namin ang maging kabilang sa mga Isko at Iska ng bayang ito.
Sa isang banda, gusto ko rin lang ipaalala sa mga bagong Isko at Iska na hindi dapat ipagsawalang bahala ang matawag na Iskolar ng Bayan. HIndi ito isang pribilehiyo, bagkus, isang responsibilidad. Hindi dahil nasa UP ka na ay made ka na. Oo, nakatulong din sa aking paghahanap ng trabaho ang nakadikit na UP sa aking resume. Ganunpaman, nahiya naman akong nakadikit ang UP sa aking pangalan at biglang makikita ng employers na puro 3.0, 4.0, 5.0 ang nasa transcript ko kaya nagsunog talaga ako ng kilay. Ngayong nasa UP ka na, pagsumikapan mong maging angat sa iba. Dahil, hindi ba, ito ang tunay na kahulugan ng isang iskolar?
Isa pang punto, dahil taga-UP ka, pagsumikapan mong maglingkod sa bayan mo. Sumali ka sa Pahinungod nang mapatunayan mong ang isang Iskolar ng Bayan ay Pilipinong tunay na naglilingkod sa kapwa Pilipino. Sa aking pagiging Volt (ang tawag sa mga Isko at Iska na miyembro ng Pahinungod) namulat ako sa hirap ng buhay sa Talim Island, Binangonan. Tumira ako ng isang buwan sa isang isla kung saan ako, na noo'y 19-anyos pa lamang, ay naging doktora, dentista, health worker, SK adviser, guro, kusinera, mananahi, mangingisda, at marami pang iba. Natutunan ko rin kung paano mag-tuli, hehehe. Higit sa lahat, natutunan ko ang tunay na kahulugan ng paglilingkod na dapat lang asahan ng bayan sa mga nabansagang iskolar nito. Ganito rin ang natutunan ng iba pang Volts na naipadala na sa mga sulok ng Pilipinas na tila'y nalimutan na ng ating gobyerno.
Tingin ko, dahil dito sa karanasang ito, napipigilan ng aking damdamin ang tawag ng paglilingkod sa ibang bansa. Sabi nga naming mag-asawa, hanggat kaya pa ng aming kita ang buhay dito sa Pinas ay dito pa rin kami. Hindi ko naman sinasabing wag na kayong mag-trabaho sa ibayong dagat. Walang masama dito lalo na kung kailangan talagang makatulong sa pamilya. Isa pa, nakakatulong sa ekonomiya ng bansa ang remittances ng mga OFW. Yun nga lang, ang mga remittances na yan ay hindi namin natin siguradong napapakinabangan ng tunay na nangangailangan sa bayang ito. Syempre, sa gobyerno muna dadaan yan eh. Sana lang naman, bago lumabas ng bansa, ay mapagtuunan niyo rin ng pansin ang paglilingkod sa ating bayan. Dalawa o tatlong taon naman siguro ay di na masama hindi ba. At pag kayo'y nakalabas na ng Pilipinas, pagsumikapan niyong makapaglingkod pa rin kahit na nasa labas na ng bansa. O kahit man lamang na makapag-bigay ng karangalan.
Huwag mong aksayahin ang panahon mo sa UP sa pagyayabang dahil parte ka na ng insitusyong ito. Bagkus, paghandaan mo at gawin ang mabigat na responsibilidad na iniatas sa iyo mula noong araw na matanggap mo ang sulat mula sa admissions office.
Personal na opinyon lang po ng isang Iska ng Bayan. Nawa'y mamulat ang sinumang tamaan.
****
Hay, masyadong seryoso ano?
Hirap pala magsulat ng Filipino pag matagal mo nang hindi nagagawa, ano? Hahaha, naalala ko lang dati si Doti na propesor ko sa Poli Sci noon. Kailangang lahat ng reaksyon ay maisulat sa wikang Filipino para raw mas lalo siyang maniwala na ang opinyon ay galing sa isang tunay na Pilipino.
0 sweet comments:
Post a Comment