Friday, October 24

10 Pagkaing Pinoy Na Aking Paborito



Ang aking lahok para sa Pinoy Top Ten ngayong linggong ito.

Hindi maipagkakailang masarap ang pagkaing Pinoy. Sabihin man nilang marami sa ating mga pagkain ay minana na natin sa mga dayuhang sumakop sa ating bansa sa ating kasaysayan. Magkaganunpaman, higit kong ipinagmamalaking hinubog pa rin nating ito ayon sa ating panlasa. Kung mapapansin niyo pa, marami sa ating mga pagkain ang hindi aakalaing kinakain pala kung iisipin ng mga dayuhan sa ibang bansa. Marami kasi sa mga pagkaing ito ang nagpapakita ng pagiging masinop ng Pinoy. Ultimo nga lamang-loob ng baboy at manok napapakinabangan pa natin eh. O, natatakam na ba kayo? Tara, kain tayo...

Eto na ang unang sampung pagkaing Pinoy na aking paborito.

10. Paboritong-paborito ko ang pansit lalo
na kung ito ay miki-bihon. Sa isang handaan, mas gusto ko pang kumain nito kaysa sa spaghetti.

9. Kumakain din ba kayo ng balut? Lumaki akong laging ito ang pasalubong ng aking tatay basta siya ay baong sweldo. Gusto ko yung maliit lang ang sisiw. Napakalinamnam ng balut. Hindi ko nga maintindihan kung bakit ito ay ipinapakain sa Fear Factor samantalang hindi naman nakakatakot.

8. Gustong-gusto ko rin ang kare-kare. Nito lang ay nadiskubre kong masarap pala magluto ng kare-kare ang aking byenan. Hay naku, nasira nanaman ang aking diet. LOL!

7. Ang kaldereta ay isa ko pang paborito. Lumaki akong ang kaldereta ay niluluto lamang ng aking ina kapag Pasko. Nilalagyan niya ito ng maraming sili kaya napaka-anghang! Pero pang ang nanay ko ang nagluto ng kaldereta ay buto-buto ng baboy ang gamit niya at hindi baka. Hindi kasi siya kumakain nito.

6. Ang biko naman ay paborito kong meryenda lalo na kapag kami ay nasa probinsya. Suki rin ito sa hapag-kainan kapag undas. Gusto raw kasi ng mga kaluluwa ang mga pagkaing matatamis na iniaalay sa kanila sa kanilang kapistahan.

5. Narinig ko sa isang patalastas sa radyo na ang dinuguan ay tinawag na Chocolate Soup. Mukha nga namang tsokolate ung tutuusin ang aking paboritong pagkaing ito. Pero kapag ang nanay kong Bicolana ang nagluto, para na itong Chocolate Soup na nilagyan ng gatas evaporada. Nilalagyan kasi ng mga Bicolano ng gata ang kanilang dinuguan. Mas masarap, maniwala ka.

4. Mahilig rin ako kumain ng mga ihaw-ihaw lalung-lao na ng isaw ng manok. Sa dalawang piso isang tuhog, tapos na ang problema sa pang-ulam. Pero para maka-iwas sa hepa, bumibili lang ako ng isaw sa pwestong kilala ko. Sa Laguna noon, suki ko ang aking kapitbahay na sigurado kong malinis ang bitukang ginagamit niya dahil nakikita ko talaga kung paano niya linisin ito.

3. Alam kong bawal sa akin ang chicharon pero paminsan-minsan ay hindi ko pa rin napipigilan ang aking sarili. Lalo na kapag may sukang pinakurat! Hay! Keber sa diet diet na yan!

2. Isa rin sa aking kinababaliwan ang ginataang halo-halo. Gusto ko sa ginataang halo-halo yung maraming bilo-bilo at may timplang vanilla. Ayos na kung may kasamang sago at saging na saba at kalimutan na ang kamote. Hindi ko gusto ang pagkain ng kamote kahit kailan. Nakaka-utot pa, hehehe!

1. Mahilig ako sa mga pagkaing malalamig kaya pinaka-paborito ko sa lahat ng pagkaing Pinoy ang Halo-halo at Saging Con Hielo. Tanggal ang init ng ulo kapag ito ay aking natitikman.

O ayan, eto ang aking listahan. Ano naman ang iyo?

0 sweet comments: