Friday, October 31

10 Pinakamagagandang Lugar sa Pilipinas



Ang aking lahok para sa Pinoy Top Ten ngayong linggong ito.

Sabi naming mag-asawa sa aming anak, bago natin libutin ang mundo, pasyalan muna natin ang buong Pilipinas. Kahit paano, masasabi kong mayroon rin naman akong napasyalang magagandang lugar sa Pilipinas. Yun nga lang, halos lahat iyon ay sa Luzon. Aklan pa lang ang narating ko sa Visayas at ni wala pang isang lugar sa Mindanao.

1. Boracay, Aklan. Kakaiba ang pakiramdam ng pag-apak sa pinong puting buhangin ng Boracay. Maswerte kamiing magkakapatid na makailang beses na kaming nakapunta dito. Akeanon kasi ang aking ama, isang oras na byahe lang ang Caticlan mula sa kanilang bahay sa Makato. Nung lumaki na kami, kumuha ang aking ina ng kwarto sa isang hotel doon para permanente naming tuluyan sa Boracay.

2. Mayon Volcano. Dahil naman Bicolana ang aking ina at pati na rin ang aking asawa, madalas akong nakakauwi ng Bicol. Pero sa buong buhay ko, 2 beses ko pa lang nakikita ang Mayon. Maswerte nga ang huli kong punta noong 2006. Dahil makatapos ang ilang araw ay dumating ang bagyo na sumalanta sa Daraga, Albay. Mas nabaon na raw ang simbahan ng Cagsawa sa lupa dahil dito.

3. Baguio. Maraming beses na rin akong nakarating ng Baguio pero ang huli naming pagbisita sa lugar na ito ang pinaka naging kakaiba. Hindi namin masyadong nilibot ang mga nakasanayan nang pasyalan sa Metro Baguio. Gumawa ang ate ko ng aming itinerary at talagang nag-research siya ng mga kakaibang puntahan sa Baguio kaya maraming naging bago sa aking paningin. Isa na dito ang Maryknoll Eco Sanctuary at ang pag-swimming namin sa Asin Hot Springs.

4. Hundred Islands, Pangasinan. "High tide or low tide?", tanong ni Charlene Gonzales sa judges noong siya ay kalahok sa Miss Universe. "Low tide!" naman ang sagot ko. Maganda mag-island hopping pag low tide sa Hundred Islands. Ang iba ngang isla, nilalakad na lang para marating at di na kinailangan pang mag-bangka.

5. Hidden Valley. Isang beses pa lang ako nakarating sa tagong kayamanan na ito ng
Laguna. Company outing noon sa opisina ng aking ina kaya kami ay nakasama. Hindi ko makakalimutan ang aming pagkain ng tanghalian sa mga mesa at upuan na nakatayo sa mismong batis nila.

6. Manila Bay. Maganda sa Baywalk lalo na kung palubog na ang araw. Maingay man at matao dahil sa dami ng sasakyang dumadaan at mga taong namamasyal, kakaiba pa rin ang kapayapaang idinudulot sa kaisipan ng panonood sa palubog na araw.

7. Angono, Rizal. Kapag ikaw ay nakarating na sa bayan ng Angono, iisipin mong nakabalik ka sa nakaraan. Bukod sa napapaligiran ka na ng napakaraming art galleries sa bayan ng mga henyong ito, maaaliw ka rin sa mga kabahayan na luma pa ang arkite

8. Subic, Zambales. Iba ang ugali ng Pinoy kapag nasa Subic na sabi nga ng ilan. Marunong na raw kasi sumunod sa mga batas dahil sa takot na makulong. Ang mga batas na ito ang nakatulong na mapanatiling malinis at maganda ang dating base militar na ito. Nakakatuwang alaala rin para sa akin ang mga tumatawid na unggoy sa kalsada noong unang dalaw ko sa lugar. Inaalagaan daw kasi talaga nila ang mga ligaw na hayop na likas na katutubo ng mga kagubatang pumapalibot dito.

Hindi pa ako nakakarating sa dalawang huling magagandang pook na ito pero talagang binabalak naming pumasyal dito basta't tama na ang oras at ang ipon namin.

9. Bohol. Gusto kong maranasan na kumain ng tanghalian sa bangka habang binabagtas ang Loboc River. Gusto ko rin makita na ng personal ang Chocolate Hills.

10. Palawan. Matagal na naming pangarap mag-asawa na mag-nature tripping sa lugar na ito. Hindi ang beach resorts ang umaakit sa akin na bisitahin ang lugar kundi ang mga kweba na maaring pasyala habang nakasakay sa bangka.

Napuntahan mo na rin ba ang mga magagandang lugar na napuntahan ko? Anong mga magagandang lugar sa Pilipinas ang pinapangarap mo ring mapuntahan?


0 sweet comments: