Wednesday, October 15

Pilipino, Manindigan Ka Laban sa Kahirapan


This is my post for today's Blog Action Day against poverty. I chose to write it in Filipino so I can address my message directly to my kababayans.

Kung ako ang tatanungin, sawang-sawa na talaga ako sa mga kwento ng kahirapan sa ating bayan na araw-araw na lang napapanood sa telebisyon at nababasa sa dyaryo at internet. Hindi naman sa dahil balewala sa akin ang isyu ng kahirapan. Ramdam na ramdam ko nga ang isyung ito eh. Sa maniwala kayo't sa hindi, galing din ako sa pamilyang naghirap. Nakatikim rin ako ng mga panahong kapos lalo na noong lahat kaming magkakapatid ay nag-aaral pa at ang Nanay ko lang ang kumikita.

Malaki ang pasasalamat ko sa Nanay ko na kahit paano ay nahango niya kami sa hirap ng buhay. Nakapag-aral kami sa isang pribadong paaralan dahil nagturo siya dito ng part-time. Tatlo kasi ang trabaho niya noon. Opisina sa araw, pagtuturo sa gabi, at pagtuturo na naman sa isa pang eskwelahan kapag araw ng Sabado. Nakaraos kami kahit paano kahit na nagsawa kami sa ulam na pritong tamban, adobong tinik (tinik ng maya-maya na nabibili sa palengke ng Paco at Quiapo), adobong adidas, ginataang gulay, at ginisang gulay sa sardinas. Naranasan din naming maputulan ng ilaw at tubig at mapalayas sa apartment na tinitirahan. Naranasan din naming sabihan ng masasakit na salita ng aming mga pinagkautangan. Pero heto kami ngayon, sa awa ng Diyos at hindi ng kung sino man, nakaraos rin.

Kahit paano masasabi ko na nakaangat na kami sa kahirapan. Kahit paano may naipundar naman na bahay at sasakyan ang Nanay ko bago siya nag-retire sa trabaho. Kahit paano ay ang bunso na lang namin ang ngayon ay nag-aaral pa sa kolehiyo. Kahit paano ay may negosyo akong nakakatulong sa amin para mapaaral ko ang aking kapatid. Kahit paano ay may mga kamag-anak rin kaming natulungang makapag-aral at layasan ang kahirapan sa probinsya. Lahat ng ito ay nakamit namin nang walang inasahan kundi ang aming mga sarili lamang.

Ang sagot sa kahirapan ay hindi dapat hinahanap sa gobyerno o kung sino mang Pontio Pilato na makukuhang maawa sa taong naghihirap. Ang sagot sa kahirapan ang hindi rin dapat iasa lamang sa swerte. Hindi ako naniniwalang naghihirap ang Pilipino dahil walang oportunidad para mapabuti ang buhay at makaahon sa hirap. Hindi niyo naman siguro ako masisisi kung bakit ganito ang pananaw ko sa isyung ito. Dahil na rin sa karanasan ko kaya't ganito ang pag-iisip ko. Sabi nga nila, kapag gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan. Ngayon, siguro, bahala na kayong ilagay ang mga sarili niyo kung saang pangkat kayo lulugar. Hindi pwedeng lahat ng pagkain ay ihahain na lang. Kailangang isaing muna ang bigas bago ito mapakinabangan ng nagugutom na tiyan.

Sana nakuha niyo ang gusto kong iparating. Hindi aahon ang Pilipinas sa kahirapan hangga't hindi lahat tayo ay natutong manindigan at gumawa ng paraan.

0 sweet comments: