Friday, October 17

Unang Sampung Katangian Na Ipinagmamalaki Ko Bilang Isang Pilipino




Isa akong guro, kung kaya't para sa aking panimulang sulatin sa aking pagsali sa Pinoy Top Ten, naisipan kong itala ang Sampung Katangiang taglay ang ating lahing Pilipino na aking ipinagmamalaki.

Naging leksyon na namin ito ng aking mga estudyante noon pang unang markahan pa lamang. Itinuturo ito sa mga mag-aarak sa asignaturang Sibika at Kultura. Sa tingin ko, hindi lamang ang mga bata ang palagiang paalalahanan ng mga katangiang ito kundi pati rin tayong mga nakatatanda. Nakakalungkot isipin na sa paglipas ng panahon ay marami nang mga Pilipino ang nakalimot sa mga magagandang katangiang ito na karapat-dapat lamang na ipagmalaki at ipagsigawan sa buong mundo.

Heto ang aking listahan:

10. Ang mga Pilipino ay matitipid. Hindi nangangahulugang kuripot ang taong matipid. Sadya lamang na marunong ang Pinoy na mamaluktot kapag maikli ang kumot.

9. Ang mga Pilipino ay mahuhusay na talento. Sino ang hindi nakakakilala kay Lea Salonga sa mundo ng teatro? Heto rin si Charice Pempengco na napahanga ang mga Amerikano sa kanyang pag-awit? Isipin mo na ang kung mapanood nila ang lahat ng mga mang-aawit natin dito sa Pilipinas at baka sila ay mapagod na sa kakapalakpak.

8. Ang mga Pilipino ay masayahin. Pansinin niyo sa mga kuha sa telebisyon tuwing may kalamidad. Hindi mawawala ang mga kuha ng mga Pinoy na nagtatawanan pa rin at nagkukulitan kahit na nahaharap sa matinding problema.

7. Ang mga Pilipino ay magalang. Kaya nga hindi ko pinapalimot sa aking anak at mga estudyante na gumamit ng "po" at "opo". Tayo lang yata ang gumagamit ng mga magagalang na kataga sa pakikipag-usap kahit na hindi sa mga nakatatanda sa atin. Hindi ba't kahit sa mga mensahe sa cellphone ay hindi mawawala ang "poh" sa mga pagbati.

6. Ang mga Pilipino ay malikhain at maparaan. Marami tayong magagaling na imbentor sa bansa. Dahilan sa hirap ng buhay sa atin, ang mga likha nila ay yaong mga makakatulong sa pagtitipid ng kuryente, tubig, at pera. Nakakalungkot lang isipin na sila pa ang hindi nabibigyan ng lubos na suporta galing sa ating pamahalaan.

5. Ang mga Pilipino ay mapagmahal sa pamilya. Hindi kumpleto ang isang okasyon kapag hindi kumpleto ang pamilya. Hindi rin natin basta-basta iniiwan ang ating mga lolo at lola sa mga bahay ng matatanda.

4. Ang mga Pilipino ay masipag at matiyaga. Kaya nga gustong-gusto ng mga dayuhan ng manggagawang Pinoy dahil na rin sa mga katangiang ito.

3. Ang mga Pilipino ay matatag. Walang anumang pagsubok ang makakapagpabagsak sa Pinoy. Sanay na tayong bumagsak, bumangon, at lumaban sa pagsubok.

2. Ang mga Pilipino ay maganda ang kalooban. Mababait ang mga Pinoy. Hindi tayo sanay na makasakit ng damdamin ng iba. Laging handang tumulong ang Pinoy sa mga nangangailangan.

1. Ang mga Pilipino ay madasalin at may takot sa Diyos. Ang ating isang buong taon ay napapalibutan ng sari-saring pagdiriwang na panrelihiyon. Kahit anumang relihiyon pa ito, hindi maipagkakailang ang Diyos (o si Allah sa mga Muslim) ang sentro ng buhay Pinoy.

0 sweet comments: