Tuesday, August 17

Pagbabago

Ilang araw na ang nakararaan nang isang matabang higad ang gumapang sa kisame ng aming kwarto. Pinabayaan ko lang ito at hindi ko pinatay. Naisip kong isa lang naman ang hangad ng matabang higad. Ang gumawa ng cocoon para sa kanyang malaking pagbabago. At ito na nga, pagtingala ko sa kisame ngayong gabi ay ito ang aking nakita:


Naaliw naman ako at na-excite nang kaunti. Sigurado kasing paglabas ng dating higad sa kanyang munting bahay ay magandang paru-paro na sya na tulad nito:

09-03-15 Vigan (92)


Masasabi kong, tulad ng mga paru-paro, kinailangan ko ring dumaan sa mga pagbabago bago ko narating ang kinalalagyan ko ngayon.

Maaga akong nag-asawa at naging isang ina. Kinailangan kong bitiwan ang trabaho ko bilang editorial assistant sa isang publishing house para mapagtuunan ng pansin ang aking munting pamilya. Tumaas ang kilay ng nanay ko noon. Nag-UP pa raw ako magiging housewife din lang. Pero no regrets. Ang pagiging full-time mommy ang pinaka-magandang pagbabagong ginawa ko sa buhay ko. Nakita ko ang lahat ng milestones sa buhay ng anak ko. Ako ang nag-asikaso sa lahat ng mga pangangailangan ng aking mag-ama.


Yun nga lang, dumating din ang panahon na kinailangang pumasok na ang aking anak sa big school. Imbes na magmukmok sa bahay, naisip kong sabayan ang anak ko sa pagpasok sa eskwela. Nag-aral ako uli at nag-enroll sa UP Open University ng Masters in Education. At pagkatapos ng 2 taon ay pinasok ko naman ang bagong larangan - ang pagtuturo.



Bigla akong naging teacher mommy ng mahigit sa isang dosenang makukulit na bata! Nakakatuwang nakakapagod ang bawat araw pero buong puso kong tinanggap ang bago kong propesyon. Hindi nga lang ako nagtagal sa pagtuturo sa pre-school dahil kinailangan naming lumipat ng tirahan. Ito naman ang naging daan sa pagbubukas ng aming tutorial center.


At dahil mas sarili ko na ang oras ko, mas nabigyan ko ng pansin ang blogging. Mula sa isa ay nagkaroon pa ako ng 2 blog. Dahil sa blogging, nakakilala ako ng mga bagong kaibigan. At dahil din sa blogging nakabalik ako sa karerang dati kong tinalikuran. Akalain mo nga naman, balik publishing na naman ako. At dahil age of the internet na, hindi ko na kailangang pumasok ng opisina araw-araw. Ang saya di ba? Full-time nanay at part-time tutor na suma-sideline bilang web content writer ng isa sa mga pinaka-malalaking publishing house sa Pilipinas!

2009-08-07 Goldilocks Nuffnang (16)


Isa na akong ganap na paru-paro sa tingin ko. Lumawak na ang aking kaalaman at gumanda ang aking buhay. (Nakababa na rin ang kilay ng aking nanay, hehehe!) Nakakatuwang isipin na sa mga pagbabagong ito ay nakasama ko pala ang Goldilocks. Nakakatuwa rin dahil tulad ko, ang Goldilocks ay bukas sa pagbabago. Tutal, boring naman ng buhay kung ganun at ganun na rin lang araw-araw, 'di ba?

Hindi masama ang pagbabago dahil ito ay nagpapakita lamang ng pag-unlad. Kaya nga kahit na nakaladlad na ang aking mga pakpak, hangad ko pa ring makaranas ng mga pagbabago. Gusto ko naman ngayong lumipad at makarating sa mga bagong lugar at matuto pa ng bagong kaalaman. At tulad din ng mga pagbabagong naganap sa aking paboritong Goldilocks, hindi naman nangangahulugang tatalikuran ko na ang aking pinagmulan. Ako pa rin ang dating ako, nadagdagan lang ng magagandang pagbabago.



Did you like my post? CLICK THIS to have my posts delivered straight to your email inbox.

0 sweet comments: